Umaasa ang Federation of Free Farmers (FFF) na maisasakatuparan ngayong taon ang pagtatayo ng mahigit 300 karagdagang palay processing centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa grupo, malaking tulong ito upang mapalakas ang mga post-harvest facilities, mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka, at masiguro ang sapat at matatag na suplay ng bigas sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng FFF, binigyang-diin niya na isa sa pinakamalaking kakulangan sa sektor ng agrikultura ay ang kakapusan ng mga mechanical drier.

--Ads--

Aniya, ang kakulangan sa ganitong pasilidad ang pangunahing dahilan kung bakit napipilitan ang maraming magsasaka na patuyuin ang kanilang ani sa gilid ng mga kalsada.

Dagdag pa ni Montemayor, ang ganitong gawain ay nagdudulot ng iba’t ibang problema, kabilang ang pagkasira at pagbaba ng kalidad ng palay dahil sa alikabok at pabago-bagong panahon, gayundin ang panganib ng mga aksidente kapag nadaraanan ng mga sasakyan.

Hiling din ng FFF na hindi lamang mechanical drier ang itayo kundi pati na rin ang sapat na bilang ng mga gilingan ng palay, bodega, at mga gusali na magsisilbing imbakan ng mga makinarya at iba pang kinakailangang kagamitan sa produksyon at pagproseso ng palay.

Aminado ang FFF na sa kasalukuyan ay malubha ang kakulangan ng palay processing centers sa bansa, dahilan upang patuloy na malugi ang maraming magsasaka at hindi lubos na mapakinabangan ang kanilang ani.

Ayon sa grupo, kung mapapalakas ang mga post-harvest facilities, hindi lamang ang kita ng mga magsasaka ang mapapabuti kundi pati na rin ang kalidad at dami ng bigas na napupunta sa mga mamimili.

Nanawagan ang FFF sa pamahalaan na pabilisin ang implementasyon ng mga programang nakatuon sa modernisasyon ng post-harvest facilities aty kung kinakailangan ay dagdagan pa bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon sa problema sa bigas at sa pag-angat ng kabuhayan ng mga magsasaka.