Dagupan City – Palalakasin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang industriya ng bangus sa pagtatayo ng Bangus Breeding and Hatchery Project sa Bolinao sa ilalim ng PRDP Scale-Up.

Matapos ang serye ng konsultasyon at public hearing, isinagawa ang dayalogo ng OPAG sa mga mangingisda sa Bolinao Field Station sa Barangay Arnedo upang ipaliwanag ang proyekto at tiyakin ang pakinabang ng mga bangus grower.

Ayon kay Atty. Manuel “Manny” Luis Jr., Provincial Administrator ng Pangasinan, layunin ng proyekto na matiyak ang sapat at tuluy-tuloy na produksyon ng bangus sa Pangasinan upang lalo pang mapalakas ang industriya ng pangisdaan at mabawasan ang pangamba at pag-aalinlangan ng mga mangingisda sa kanilang kabuhayan.

--Ads--

Ang proyektong may pondong ₱238.9 milyon ay inaasahang makapagpo-produce ng 148.8 milyong bangus fry o 30 porsiyento ng kabuuang pangangailangan ng lalawigan kada taon.

Makikinabang dito ang 17 bayan ng Pangasinan, kabilang ang Dagupan City, at inaasahang magbibigay ng malaking tulong sa kabuhayan ng mga mangingisda at sa ekonomiya ng buong lalawigan.

Sa pamamagitan nito, mararamdaman umano ng mga mangingisda na may kaagapay silang pamahalaan na handang makinig at umaksyon para sa kanilang kapakanan.