Dagupan City – Umabot na sa ika-10 araw ang isinasagawang strike rally ng grupo ng mga Filipino nurse sa New York bilang panawagan para sa mas maayos na benepisyo, ligtas na kondisyon sa trabaho, at patas na pagtrato mula sa kanilang pamunuan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan Ma. Rizza Ilad, RN, Assistant Nursing Care Coordinator at miyembro ng New York State Nurses Association CAT sa Mount Sinai West, kabilang sa kanilang mga pangunahing hinaing ang medical benefits, workplace violence, at kakulangan sa sapat na proteksiyon lalo na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Ani Ilad, ang mga nurse o medical practitioners ang isa sa mga pinaka-naapektuhan noong pandemya dahil isinantabi umano ang kanilang kalusugan upang matugunan ang pangangailangan ng publiko.

--Ads--

Ngunit sa kabila nito, pakiramdam nila ay hindi na sila binibigyang pansin ngayon ng kanilang pinagtatrabahuhan.

Ipinunto rin niya na nais ng kanilang grupo na maibigay nang buo at patas ang benepisyong nararapat sa kanila, taliwas sa planong paghahati o pagbabawas ng mga ito.

Dahil dito, mariin nilang ipinaglalaban ang kanilang karapatan bilang mga medical practitioner sa bansa.

Dagdag pa ni Ilad, malaking bahagi ng mga nurse sa Estados Unidos ay mga Pilipino, kaya mahalaga umano ang kanilang paninindigan hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para rin sa kapwa nila healthcare workers.

Sa kabila ng mga banta at hamon, nananatiling matatag ang grupo.

Aniya, hindi sila uurong at ipagpapatuloy ang laban hanggang makamit ang pantay na trato.

Kaugnay nito, nakarating na rin sa lugar ang kinatawan ng kanilang pamahalaan upang tugunan ang sitwasyon.

Gayunman, ayon kay Ilad, wala pa ring malinaw na resolusyon dahil nagpapatuloy ang kanilang rally.

Dahil sa welga at pansamantalang paghinto ng kanilang trabaho, naghahanap na rin ang ilan sa kanila ng alternatibong pagkakakitaan upang matustusan ang araw-araw na pangangailangan.

Mensahe ng mga ito tuloy ang laban at hindi sila titigil hangga’t hindi nila nakakamit ang hustisya at pantay na pagtrato na matagal na nilang ipinaglalaban.