Ipinagmalaki ng Department of Labor and Employment (DOLE) – Central Pangasinan ang kanilang matagumpay na job fairs noong 2025, at nag-anunsyo ng tatlong job fair na nakatakda ngayong Enero 2026.
Ayon kay Maam Rhodora Dingle, Head ng DOLE-Central Pangasinan, nakapagdaos sila ng 58 job fairs sa buong Central Pangasinan noong nakaraang taon, kung saan 10,545 aplikante ang natulungan.
Para sa taong ito at sa mga naghahanap ng trabaho, mayroon nang tatlong scheduled job fairs sa kanilang opisina kung saan sa Enero 24 ay magaganap sa Dagupan habang sa Enero 29 naman ay sa Bayambang at Mangaldan.
Bukod sa job fairs, ibinahagi rin ni Dingle na 30,425 benepisyaryo ang nabigyan ng tulong sa pamamagitan ng TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) na may kabuuang halaga na ₱157,752,110 noong nakaraang taon.
Nakapagbigay rin sila ng livelihood assistance sa 363 benepisyaryo na may kabuuang halaga na ₱5,683,000.
Sa usapin naman ng benepisyo ng mga manggagawa, nakapag-assist ang DOLE sa 271 manggagawa mula sa 179 na establisyimento, kung saan ang monetary benefits na natanggap ng mga empleyado ay umabot sa ₱7,674,468 sa pamamagitan ng Labor Dispute.
Samantala, maituturing aniyang maganda ang pasok ng 2026 sa kanila dahil sinimulan na agad ng kanilang opisina ang mga programa na makakatulong sa kanilang nasasakupan.
Sa kabila ng dami ng mga gawain, patuloy parin ang ahensya sa pagtugon sa mga requests na hindi pa natapos noong nakaraang taon.










