Matinding pinsala ang idinulot ng pesteng harabas o armyworm sa mga tanim na sibuyas sa Barangay Tugatog, Bongabon, Nueva Ecija, dahilan upang mapilitan ang mga magsasaka na mag-ani nang mas maaga kahit hindi pa handa ang kanilang pananim.
Ayon kay Mark Paul Rubio, isang onion farmer sa lugar, nagsimula ang pananalasa ng harabas nitong mga nagdaang linggo.
Dahil sa mabilis na pagkalat ng peste, napilitan ang ilang magsasaka na magsagawa ng forced harvest upang mabawasan ang tuluyang pagkalugi.
Aniya kapag inatake na ng harabas ang pananim ay hindi na makakaporma ang sibuyas at hindi na ito magkakalaman.
Ipinaliwanag niya na ang harabas ay nagmumula sa mga paru-parong nangingitlog sa tanim na sibuyas, na kalaunan ay nagiging armyworm na sumisira sa mga dahon at mismong bunga ng pananim.
Dagdag pa niya, bagama’t may paraan upang mapigilan ang peste sa pamamagitan ng pag-spray ng kemikal, malaking hamon naman ang mataas na gastos.
Aabot umano sa ₱15,000 ang halaga ng pang-spray para lamang sa dalawang ektarya, at dalawang beses pa itong kailangang i-apply.
Samantala, ang isang maliit na bote ng lason ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱3,300.
Kapag tinamaan ng harabas, may kaunting ani pa ring mapapakinabangan ang magsasaka, subalit lugi na umano sila dahil hindi na nababawi ang puhunan.
Maaari pa ring maibenta ang sibuyas, ngunit bumababa ang kalidad nito at kailangang piliin ang mga walang butas upang maibenta sa mas maayos na presyo.
Bukod sa peste, problema rin ng mga magsasaka ang biglaang pagbaba ng presyo ng sibuyas sa merkado kahit wala pang malawakang anihan.
Ayon kay Rubio, posibleng dulot ito ng importasyon.
Sa kasalukuyan, ang red onion ay nagkakahalaga na lamang ng ₱85–₱90 kada kilo, habang ang white onion ay nasa ₱75 kada kilo na farmgate price.
May mga ulat din na umaabot na ang pananalasa ng harabas sa iba pang lugar sa Nueva Ecija gaya ng Guimba.
Dahil dito, nanawagan si Rubio sa kapwa magsasaka na gumamit ng de-kalidad na lason upang mapanatiling buhay ang kanilang mga pananim.
Kasabay nito, humihiling din sila ng agarang tulong at suporta mula sa pamahalaan upang matugunan ang problemang dulot ng peste at patuloy na pagkalugi ng sektor ng agrikultura.










