Hinatulan ng South Korean court ang dati nilang prime minister na si Han Duck-soo ng 23 taong pagkakakulong kaugnay ng ilang charges, kabilang ang insurrection na may kinalaman sa pagdeklara ng martial law ni dating president Yoon Suk-yeol noong December 2024.
Ayon sa desisyon ng korte, napatunayang sangkot si Han sa tinaguriang “key action of insurrection,” na itinuturing na mahalagang papel sa mga hakbang na naglayong pahinain ang umiiral na konstitusyonal na kaayusan ng bansa.
Lumabas sa paglilitis na aktibo umanong nakilahok ang dating punong ministro sa mga planong may layuning suportahan at ipatupad ang deklarasyon ng martial law sa kabila ng kawalan ng sapat na legal na batayan.
Bukod sa kasong insurrection, nahatulan din si Han ng perjury matapos mapatunayang nagsinungaling siya sa ilalim ng panunumpa sa mga isinagawang imbestigasyon.
Pinanagot din siya sa kasong forgery of official documents, kaugnay ng umano’y pagmamanipula at paggawa ng mga dokumentong ginamit upang bigyang-lehitimasyon ang mga hakbang ng administrasyon noong panahon ng krisis pampulitika.
Binigyang-diin ng korte na ang mga ginawang aksyon ng akusado ay nagdulot ng malubhang banta sa demokrasya at sa tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Ayon sa hukom, ang hatol ay nagsisilbing paalala na walang sinumang opisyal, gaano man kataas ang posisyon, ang higit sa batas.









