DAGUPAN CITY- Patuloy ang Commission on Elections o COMELEC Mangaldan sa pagsasagawa ng satellite voters’ registration sa iba’t ibang barangay sa bayan upang mas mapalapit ang pagpaparehistro sa mga mamamayan, lalo na sa mga kabataan.
Bahagi ito ng paghahanda para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong Nobyembre.
Sa ngayon, nakapagsagawa na ng satellite registration ang COMELEC sa sampung barangay kabilang ang Alitaya, Anolid, Banaoang, Bari, Gueguesangen, Guilig, Lanas, Macayug, Nibaliw, at Pogo.
Ayon sa COMELEC Mangaldan, sisikapin nilang marating ang lahat ng barangay sa bayan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga hindi pa rehistradong botante.
Mula alas-otso ng umaga hanggang alas-tres ng hapon tumatanggap ng aplikasyon ang COMELEC sa mga barangay hall.
Isasagawa ang susunod na satellite registration mula Enero 27 hanggang 30 sa Malabago, Embarcadero, Guesang, at Navaluan.
Tumatanggap ang COMELEC ng aplikasyon para sa bagong rehistrasyon, reactivation, transfer, at pagwawasto ng mga talaan.
Paalala sa mga aplikante na magdala ng valid government-issued ID, dahil hindi tatanggapin ang cedula, barangay ID, barangay certificate, company ID, at police clearance.










