DAGUPAN CITY- Ibinahagi ni Maria Luisa Amor-Elduayan, Department Head ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapaunlad ng Capital Redevelopment Plan, partikular ang plano para sa mga historical artefacts at sa Veterans Park sa loob ng Kapitolyo ng Pangasinan.
Ayon sa PTCAO, malinaw ang direksyon ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ng gobernador, kung paano pangangalagaan at pahahalagahan ang mga makasaysayang artefact at pook na may kaugnayan sa kasaysayan ng mga beterano.
Bahagi ito ng mas malawak na plano na isinasagawa katuwang ang Philippine Veterans Bank at ang Philippine World War II War Foundation.
Mahigit isang taon nang isinasagawa ang proyekto dahil sa masusing pananaliksik na layong makabuo ng isang mas komprehensibo at makabuluhang museo na magpapakita ng kasaysayan ng Pangasinan noong World War II at maging ng mga sumunod pang yugto ng kasaysayan.
Kabilang sa mga pangunahing layunin ng proyekto ang pagtitipon ng mga pangalan ng humigit-kumulang 6,600 na Pangasinenseng naging bahagi ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na planong bigyan ng parangal sa pamamagitan ng isang memorial kung saan ilalagay ang kanilang mga pangalan.
Sa simula, ang konsepto ng proyekto ay isang World War II at Veterans Historical Park na outdoor, katulad ng dating itinayong mga exhibit sa loob ng Kapitolyo.
Gayunman, matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan at ang muling pag-uusap ng mga kinauukulan kasama ang mga developer at katuwang na institusyon, napagpasyahan na ilagay sa isang protektadong espasyo ang mga artefact at presentasyon ng mga exhibit.
Dahil dito, nabuo ang mas pinalawak na plano na pagsamahin ang isang indoor museum at isang historical park upang mas mapangalagaan ang mga makasaysayang bagay at mas maayos na maipakita sa publiko ang kasaysayan at sakripisyo ng mga beterano.
Inaasahan na ang proyektong ito ay magsisilbing mahalagang sentro ng kaalaman, paggunita, at pagpapahalaga sa kasaysayan ng Pangasinan para sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon.










