DAGUPAN CITY- Nagpaalala ang Community Environment and Natural Resources o CENRO Pangasinan na mag-ingat sa mga cobra dahil kasalukuyang panahon ng kanilang breeding season mula Enero hanggang Abril.

Ayon kay Philip Matthew Licop ng DENR-CENRO Pangasinan, mas agresibo ang mga ahas sa panahong ito dahil naghahanap sila ng kapareha at pinoprotektahan ang kanilang mga itlog.

Kabilang sa mga cobra na karaniwang makikita sa rehiyon ay ang King Cobra (Banacon) at Philippine Cobra (Ulupong).

--Ads--

Kabilang sa mga high-risk area kung saan maaaring makita ang mga cobra ay ang mga taniman ng palay dahil sa dami ng daga, mga grasslands, mga kawayanan, sa mga gilid ng ilog, at maging sa mga tambak ng basura o kahoy.

Kung makakita ng cobra aniya na huwag itong galawin o istorbohin lalo na kung nasa wild, dahil maaaring agresibo ang ahas kung may pugad ito sa lugar.

Kung nasa loob naman ng bahay ang cobra, maaaring gumawa ng self-defense ngunit paalala na ilegal ang pagpatay sa wildlife maliban na lamang kung nagdudulot ito ng agarang panganib sa buhay batay sa RA 9147.

Pinapayuhan din ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran, alisin ang mga matataas na damo, kalat, at tambak ng kahoy upang maiwasan ang mga daga at iba pang pests na pagkain ng cobra.

Maaari ring gumamit ng snake deterrents upang ma-discourage ang mga ahas na pumasok sa bahay.

Samantala, kung walang karanasan sa paghuli ng ahas, huwag ipagsapalaran ang buhay at sa halip ay tumawag sa mga awtoridad na may kakayahang manghuli o mag-rescue ng wildlife dahil sa isang kagat nito ay maaring magdulot ng panganib sa buhay ng isang indibidwal.