Mas pinaigting ng City Veterinary Office ng San Carlos City ang kampanya laban sa rabies sa pamamagitan ng pagsasagawa ng libreng anti-rabies vaccination para sa mga alagang aso at pusa sa iba’t ibang barangay sa lungsod ngayong Enero 2026.

Layunin ng programa na mapanatiling ligtas ang kalusugan ng mga alagang hayop at maiwasan ang pagkalat ng rabies na maaaring magdulot ng panganib hindi lamang sa mga hayop kundi pati na rin sa buong komunidad.

Ayon sa itinakdang iskedyul, isasagawa ang libreng pagbabakuna, mula Enero 20, araw ng Martes, sa Barangay Balaya. Susundan ito sa Enero 21, Miyerkules, sa Barangay Coliling, at magtatapos sa Enero 22, Huwebes, sa Barangay Tebag. Magsisimula ang aktibidad ng pagbabakuna bandang alas 9:00 ng umaga sa bawat araw ng iskedyul.

--Ads--

Hinikayat ng City Veterinary Office ang mga pet owner sa mga nabanggit na barangay na ihanda at dalhin ang kanilang mga alagang aso at pusa upang mabigyan ng bakuna kontra rabies.

Mahalaga ang regular na pagbabakuna upang mapigilan ang pagkalat ng sakit at matiyak ang kaligtasan ng mga pamilya, lalo na ng mga bata na mas nanganganib sa kagat ng hayop.

Patuloy ring ipinaalala ng tanggapan ang responsableng pag-aalaga ng hayop, kabilang ang tamang pagkontrol sa mga alaga at pagsunod sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan.