Mas pinalakas pa ang serbisyong pangkalusugan sa bayan ng Umingan, sa lalawigan ng Pangasinan matapos pormal nang simulan ang operasyon ng Umingan Super Health Center na matatagpuan sa Barangay San Vicente.
Inaasahang magbibigay ito ng mas mabilis, mas abot-kaya, at mas dekalidad na serbisyong medikal para sa libu-libong residente ng bayan at mga karatig-lugar.
Ang pagbubukas ng nasabing pasilidad ay itinuturing na mahalagang tagumpay sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa bayan, lalo na para sa mga mahihirap at nasa liblib na lugar.
Sa pamamagitan ng Super Health Center, mas mabilis nang makaka-access ang mga mamamayan sa mga serbisyong tulad ng x-ray, ultrasound, laboratory at diagnostic services, gayundin sa isang birthing facility, na dati ay kinakailangan pang hanapin sa mga ospital sa ibang bayan o lungsod.
Ayon sa mga opisyal, pangunahing layunin ng pasilidad na mailapit ang dekalidad na serbisyong medikal sa komunidad, upang mabawasan ang siksikan sa mga ospital at mapigilan ang paglala ng karamdaman dahil sa pagkaantala ng gamutan. Malaki rin ang inaasahang maitutulong nito sa mga buntis, matatanda, at mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Ang Umingan Super Health Center ay pinangangasiwaan ng lokal na pamahalaan ng Umingan katuwang ang Department of Health (DOH) bilang bahagi ng pambansang programa ng pamahalaan sa pagpapalakas ng primary healthcare system.
Ito ang ika-siyam na Super Health Center sa lalawigan ng Pangasinan na pinondohan mula sa national budget noong 2022, patunay ng patuloy na pamumuhunan ng pamahalaan sa sektor ng kalusugan.










