Naghain ng resolusyon si 4th District Board Member Jerry Agerico Rosario sa Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan upang imbestigahan ang sunod-sunod na kaso ng pagkalunod sa Angalacan River sa bayan ng Mangaldan.

Layunin ng resolusyon na alamin ang mga posibleng dahilan ng mga insidente, kabilang ang kalagayan ng ilog, kakulangan ng babala, at mga hakbang sa kaligtasan upang maiwasan ang pagdami pa ng mga biktima.

Ayon kay Rosario, mahalagang magsagawa ng masusing pag-aaral at agarang aksyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at ng mga naliligo o nangingisda sa lugar.

--Ads--

Mahalagang pag usapan kung anong puwedeng gawin dahil kahit may babala ay mayroon pa ring mga naliligo sa lugar.

Inaasahan ding makikipagtulungan sa nasabing hakbang ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaang panlalawigan at lokal na pamahalaan ng Mangaldan at iba pang stakeholders.

Dagdag pa ni Rosario, kung mapatutunayang may kakulangan sa mga safety measures, agad na magmumungkahi ang sanggunian ng mga konkretong hakbang tulad ng paglalagay ng babala, paghihigpit sa pagligo sa mapanganib na bahagi ng ilog, at information drive para sa publiko.

Matatandaan na ilang insidente na ng pagkalunod ang nangyari sa lugar na nagresulta sa pagkamatay ng mga ito.