DAGUPAN CITY- Pinapalakas ng bayan ng Asingan ang sektor ng agrikultura at turismo sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na koordinasyon at paggabay sa mga magsasaka at kooperatiba upang mapanatili at mapalago ang kanilang produksyon.

Ayon kay Asingan Mayor Carlos Lopez Jr., patuloy ang suporta ng lokal na pamahalaan sa management ng mga grupo, partikular sa kung paano mapagpapatuloy ang produksyon habang pinapalawak ang kaalaman sa pagnenegosyo at marketing.

Bahagi rin ng kanilang pangmatagalang layunin ang mas mapalakas ang turismo upang mas makilala ang bayan. Isang halimbawa ng pagtutok ng Asingan sa lokal na kultura at produkto ang ‘Kankanen Festival’ tuwing pista, kung saan tampok ang mga kakaning gawa sa gatas ng kalabaw.

--Ads--

Ang mga alagang kalabaw ay hindi lamang itinuturing na hayop sa bukid kundi mahalagang yaman ng bayan, kung saan maingat ang pamamahala, gaya ng paglilimita sa bilang ng male carabao at pagbibigay-diin na ang karamihan ay mapakinabangan ng mga magsasaka bilang pinagkakakitaan.

Ayon sa alkalde, itinuturing ng pamahalaang bayan na isang pribilehiyo at karangalan ang kakayahan ng Asingan na makapagproduce ng gatas ng kalabaw.

Sa kasalukuyan, nagsusuplay ito sa mga ahensya tulad ng Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), subalit aminado ang lokal na pamahalaan na hindi pa sapat ang produksyon upang matugunan ang mas malaking pangangailangan.

Sa usapin naman ng pag-export, hindi pa ito prayoridad dahil kulang pa ang resources at raw materials. Sa halip, nakatuon muna ang bayan sa pagpapalakas ng lokal na produksyon at sa pagpaparami ng mga magsasakang kasali sa programa.

Patuloy ring pinalalawak ang hanay ng mga miyembro sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na nagbibigay ng pagsasanay at ang Department of Labor and Employment (DOLE) na nagkakaloob ng tulong para sa kabuhayan, bilang bahagi ng pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at turismo ng bayan.

Nagpaabot din ng panawagan ang lokal na pamahalaan sa mga magsasakang interesadong mag-alaga ng gatasang kalabaw, na itinuturing na magandang alternatibong pagkakakitaan habang naghihintay ng ani sa bukid.

Bukas din ang Asingan sa mga nais sanayin, kung saan libre ang pagsasanay sa pag-aalaga, produksyon, at marketing ng gatas.