Dagupan City – ‎Nararanasan ngayon ng North Central Elementary School ang kakulangan sa mga silid-aralan, dahilan upang pansamantalang magamit bilang classroom ang ilang non-instructional rooms tulad ng aklatan at iba pang pasilidad ng paaralan.

Batay sa datos ng pamunuan ng paaralan, umaabot sa walong silid-aralan ang kasalukuyang kakulangan, lalo na ngayong dumarami ang bilang ng mga mag-aaral.

Dahil dito, kinakailangang mag-adjust ang administrasyon upang matiyak na tuloy-tuloy pa rin ang pagkatuto ng mga estudyante sa kabila ng limitadong espasyo.

Malaking tulong umano kapag tuluyang matapos ang itinatayong tatlong palapag na gusali sa loob ng paaralan. Ang nasabing building ay inaasahang magkakaroon ng siyam na bagong silid-aralan na makababawas nang malaki sa problema sa classroom shortage at magbibigay ng mas maayos at komportableng lugar para sa pag-aaral ng mga bata.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang pamunuan ng North Central Elementary School sa pamahalaang lungsod sa patuloy na suporta at tulong upang matugunan ang kakulangan sa silid-aralan.

Ayon sa paaralan, mahalaga ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at sektor ng edukasyon upang masiguro ang dekalidad at sapat na pasilidad para sa mga mag-aaral.

Patuloy namang inaasahan ng paaralan ang agarang pagkumpleto ng gusali bilang pangmatagalang solusyon sa lumalalang kakulangan sa silid-aralan.

--Ads--