Dagupan City – Tuluyan nang natigil ang operasyon ng umano’y ilegal na quarrying sa Sta. Maria na mistulang isang mining site.
Ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ipinahinto na ang naturang quarry operation at sa muling pagbisita sa lugar ay makikita na inaayos na ang mga lupang hinukay upang muli pa itong mapakinabangan.
Dagdag pa ni So, patuloy na isinasagawa ang monitoring sa lugar upang matiyak na wala nang muling lalabag sa batas.
Aniya, babalikan at iinspeksiyunin ang sitio upang masuri kung may nagaganap pang ilegal na aktibidad at kung ano ang mga hakbang na ginagawa ng mga kinauukulan.
Matatandaang umabot sa humigit-kumulang 20 ektaryang lupang sakahan ang nadiskubreng hinukay ng mga quarry operator kahit wala umanong kaukulang titulo. Ayon sa SINAG, hindi pagmamay-ari ng mga nag-ooperate ang naturang lupa at maituturing na trespassing ang kanilang ginawa.
Dahil dito, una nang hiniling ng grupo sa Senado ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng naturang isyu.
At inissuehan na rin ng quarry permit ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga operator, subalit malinaw na nakasaad sa permit na ang operasyon ay dapat lamang isagawa sa ilog.
Sa kabila nito, ang aktwal na quarrying ay naganap sa mismong lupang sakahan, na malinaw na paglabag sa umiiral na mga regulasyon.










