DAGUPAN CITY- Nagpatupad ang Pamahalaang Bayan ng Malasiqui ng 24-oras na serbisyong medikal sa Municipal Community Hospital na matatagpuan sa Barangay Cabatling bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan para sa mga residente ng bayan.

Ipinabatid na may naka-duty nang doktor sa buong maghapon sa nasabing ospital upang agad na makaresponde sa mga emerhensiya at iba pang pangangailangang medikal ng mga pasyente anumang oras ng araw o gabi.

Ayon kay Municipal Mayor Alfe Soriano, bagama’t tuluy-tuloy na ang presensya ng mga doktor, hindi pa muna pinapayagan ang admission ng mga pasyente sa kasalukuyang yugto ng operasyon ng ospital.

--Ads--

Ipinaliwanag ng alkalde na ang pangunahing layunin sa ngayon ng lokal na pamahalaan ay matiyak na may agarang doktor na maaaring lapitan ng mga residente sakaling mangailangan ng konsultasyong medikal, paunang lunas, o agarang pagsusuri, lalo na sa mga oras na sarado ang ibang pasilidad pangkalusugan.

Ayon kay Mayor Soriano, kabilang sa mga prayoridad ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento at ang pagkuha at pag-hire ng karagdagang medical at hospital personnel tulad ng mga nurse, medical technologist, at support staff.

Binanggit na sa loob ng linggong ito ay inaasahang masusing tatalakayin ng mga kinauukulan ang mga detalye hinggil sa operational requirements ng ospital upang masigurong tumutugon ito sa mga pamantayang itinakda para sa isang community hospital.

Dagdag niya, na kapag nakumpleto na ang lahat ng kinakailangang dokumento at requirements, ito ay isusumite ng lokal na pamahalaan sa Department of Health para sa pagsusuri at pormal na pag-apruba.

Ang desisyon umano ng DOH ang magiging batayan kung kailan ganap na makakapagsimula ang ospital sa pagtanggap at pag-admit ng mga pasyente.

Umaasa ang Pamahalaang Bayan ng Malasiqui na sa unang bahagi ng susunod na buwan ay mabibigyan na ng pahintulot ang Municipal Community Hospital na magsagawa ng admission, depende sa magiging resulta ng evaluasyon ng DOH at sa kahandaan ng pasilidad.