DAGUPAN CITY- Iniulat ng Department of Agriculture ng Villasis na nananatiling matatag ang produksiyon ng talong at iba pang lowland vegetables sa bayan sa kabila ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pagsasaka.

Ayon sa datos para sa unang quarter ng taon, umaabot sa humigit-kumulang 80 hanggang 100 ektarya ang lawak ng tinamnan, na nagresulta sa tinatayang 1,500 metriko tonelada ng ani.

Tinuturing na eksakto at sapat ang produksiyong ito upang matugunan ang pangangailangan ng lokal na pamilihan.

--Ads--

Ipinabatid din ni Dionisio Cariño Jr., Municipal Agriculturist Villasis, na halos walang malaking pagbabago sa antas ng produksiyon kumpara noong nakaraang taon, patunay ng tuloy-tuloy at maayos na sistema ng pagtatanim sa mga mabababang lugar.

Dahil dito, patuloy na naisasalalay ng publiko ang suplay ng talong at iba pang gulay na pangunahing sangkap sa pang-araw-araw na pagkain.

Gayunman, nananatiling hamon sa sektor ng agrikultura ang mataas na gastos sa produksyon, partikular ang pagtaas ng presyo ng pangunahing farm inputs tulad ng binhi, abono, at iba pang kagamitang pansakahan.

Isa rin sa mga pangunahing suliranin ang kakulangan at gastos sa lakas-paggawa na direktang nakaaapekto sa kabuuang ani ng mga magsasaka.

Bilang tugon, patuloy ang pamahalaang munisipal sa pagpapatupad ng mga programang tulong para sa mga magsasaka.

Kabilang dito ang pagbibigay ng subsidiya at diskuwento sa farm inputs upang mabawasan ang kanilang gastusin sa produksyon.

Naglalaan din ang lokal na pamahalaan ng mga makinaryang pansakahan tulad ng tractors upang mapabilis at mapagaan ang gawain sa bukid.

Dagdag pa rito, pinalalakas din ang suporta sa irigasyon sa pamamagitan ng pagkakaloob ng solar irrigation systems.

Sa ilalim ng programang ito, nagiging libre ang patubig ng mga sakahan, na malaking tulong sa pagpapababa ng gastos at pagpapanatili ng tuloy-tuloy na produksiyon kahit sa panahon ng kakulangan ng ulan.

Sa kabuuan, patuloy na sinisikap ng pamahalaang munisipal na tiyakin ang sapat na suplay ng gulay sa merkado habang inaalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng konkretong tulong at programang pang-agrikultura.

Sa ganitong paraan, napapanatili ang seguridad sa pagkain at ang katatagan ng lokal na sektor ng agrikultura.