Mga kabombo! Hanggang saan ang kaya mong gawin para lamang magkapera?
Kaya mo bang mang-scam ng kapwa mo?
Ito kasi ang ginawa ng isang 17-anyos na binatilyo. Ang modus nito, sinasamantala niya ang maluwag na refunding process ng isang online shopping platform upang makapagnakaw ng milyun-milyong halaga ng produkto.
Lumalabas kasi na ang binatilyong ito mula sa China, maaari siyang makakuha ng automatic refund sa pamamagitan lamang ng pag-input ng mga pekeng courier tracking numbers sa return request form.
Dahil sa loophole na ito sa sistema, agad na ibinabalik ng kompanya ang kanyang pera habang nananatili pa rin sa kanya ang mga inorder na items, na karamihan ay mamahaling makeup products.
Sa halip na itigil ang gawain matapos matuklasan ang loophole, inabuso niya ito at inulit ang proseso nang mahigit 11,900 beses sa loob ng ilang buwan.
Dito na umabot sa 4.76 million yuan o katumbas ng 40 million pesos ang halaga ng mga produktong nakuha niya nang libre.
Hindi siya nakuntento rito at ibinenta ang mga nakaw na items at kumita ng tumataginting na 4.01 million yuan 33 million pesos.
Ang malaking halagang ito ay mabilis niyang nilustay sa mararangyang gamit tulad ng mga high-end phones, mamahaling damit, video games, at walang humpay na panlilibre sa kanyang mga kaibigan.
Sa huli, nahuli rin siya ng mga awtoridad ngunit dahil siya ay menor-de-edad nang gawin ang krimen, anim na taon lamang ang ipinataw na parusa sa kanya, isang sentensiyang itinuturing na magaan kumpara sa laki ng pinsalang idinulot niya.










