Dagupan City – Itinuturing na “self-inflicted” ang naging payo ng abogado ng puganteng negosyanteng si Atong Ang na huwag muna itong sumuko sa kabila ng inilabas na arrest warrant laban sa kanya.
Ito ang binigyang-diin ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, na nagsabing maraming negatibong implikasyon ang maaaring idulot kung ituturing na pugante ang isang akusado.
Ayon kay Yusingco, mas lumalala ang sitwasyon ng isang kliyente kapag patuloy itong umiiwas sa mga awtoridad sa halip na harapin ang mga kaso laban sa kanya.
Ani Yusingco, kung kusang loob na susuko ang akusado, maaari itong magdulot ng positibong epekto tulad ng pagpapagaan ng pananagutan, dahil ipinapakita nito ang pagsisisi at paggalang sa proseso ng batas.
Dagdag pa niya, ang mas makabuluhang payo ng isang abogado ay ang hikayatin ang kanyang kliyente na sumuko upang hindi ito maituring na pugante.
Kaugnay nito, nagbabala ang Department of Justice (DOJ) kay Atong Ang laban sa payo ng kanyang abogado na huwag muna itong sumuko.
Ayon sa DOJ, ang hindi pagsunod sa utos ng korte sa kabila ng umiiral na arrest warrant ay maaaring maituring na “red flag” at posibleng magbunsod ng karagdagang kaso laban sa negosyante.










