Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na ginugol ng Department of Justice (DOJ) ang 43 buwan upang buuin ang isang, ayon sa kanya, “airtight” na kaso laban sa gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang kaugnay ng pagkawala ng mga sangunero.

Kasabay nito, binatikos niya ang Senado sa umano’y hindi seryosong pagtutok sa kaso.

Sa kanyang programa inamin ni Remulla, noong DOJ secretary palang siya ang mga hamon na hinarap ng mga prosecutor, kabilang ang kakulangan ng kooperasyon mula sa ilang pamilya ng biktima, na umano’y bukas sa posibleng areglo.

--Ads--

Matatandaang si Ang ay nahaharap sa mga kaso ng kidnapping homicide, at kidnapping and serious illegal detention para sa missing sabungeros matapos ibaba ng korte ang warrant laban sa kanya at sa iba pang sangkot.

Ayon kay Remulla, naging cold case ang kaso sa loob ng maraming taon dahil kakaunti ang handang magsulong nito, lalo na’t may kinalaman ang kaso sa high-profile personalities.

Binatikos din niya ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, na nagsagawa ng imbestigasyon noong 2022, at sinabi niyang hindi umabante ang Senate inquiry.

“They just played with [this case] in the Senate, under [the committee] of Bato,” ani Remulla.

Sa kabila ng mga hamon, sinabi ni Remulla na napilitan ang DOJ na kumilos alinsunod sa prinsipyong parens patriae, na nagbibigay kapangyarihan sa estado bilang tagapangalaga ng mamamayan kahit hindi na nakikipagtulungan ang ilang pamilya ng biktima.

Ilang buwan matapos umalis si Remulla sa DOJ, inirekomenda ng state prosecutors ang pagsasampa ng 10 counts of kidnapping with homicide laban kay Ang at iba pa, pati na rin ang 16 counts of kidnapping with serious illegal detention.