DAGUPAN CITY- Isinagawa ang Brigada Unibersidad 2026 sa Pangasinan State University–Urdaneta City Campus noong Biyernes, Enero 16, bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng bagong semestre.
Pinangunahan ng pamunuan ng kampus, katuwang ang mga kawani at mag-aaral, ang sama-samang paglilinis at pag-aayos ng iba’t ibang pasilidad sa loob ng unibersidad bilang pagpapakita ng bayanihan at kolektibong pananagutan sa isang ligtas at maayos na kapaligiran sa pag-aaral.
Sinimulan ang aktibidad sa panalangin at panimulang mensahe, na sinundan ng orientation at maayos na pamamahagi ng mga gawain sa bawat kalahok.
Nagsagawa rin ng Zumba activity ang Supreme Student Council bilang pampasigla bago ang aktwal na gawain.
Layunin ng Brigada Unibersidad na matiyak ang kalinisan, kaayusan, at kahandaan ng kampus bago magsimula ang klase.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng buong komunidad ng PSU–Urdaneta City Campus, mas nagiging handa ang unibersidad sa pagtanggap ng mga mag-aaral at sa patuloy na pagbibigay ng dekalidad na edukasyon.










