DAGUPAN CITY- Nagsimula ngayong araw, Enero 17 at tatagal hanggang Enero 26 ang kauna-unahang Pagey Festival sa bayan ng Malasiqui, bilang bagong pagkakakilanlan ng kanilang taunang kapistahan na dating kilala bilang Kirmat Festival.

Ayon kay Municipal Mayor Alfe Soriano, tampok sa selebrasyon ang Street Dance Competition sa Enero 22 na magsisimula sa ganap na alas-4:30 ng hapon sa pamamagitan ng isang parada, na susundan agad ng paligsahan. Siyam na cluster ang binuo mula sa 73 barangay ang maglalaban-laban, at mag-uuwi ang kampeon ng ₱300,000 na papremyo.

Inaasahang dadagsa ang mga bisita dahil bukas at imbitado ang lahat sa pagdiriwang. Ayon sa alkalde, ito ang unang beses na isasagawa ang Pagey Festival bilang kapalit ng Kirmat Festival, upang bigyang-diin ang pagey o bigas na pangunahing produkto at ikinabubuhay ng mga taga-Malasiqui.

--Ads--

Bukod dito, inaabangan din ang patimpalak na Miss Malasiqui sa Enero 23, kasabay ng mismong kapistahan na iniaalay bilang pugay kay Patron Saint Ildefonsus.

Paalala ng alkalde na ang lahat ng aktibidad kabilang ang mga konsiyerto at iba pang tampok ng festival ay may libreng admission.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ang seguridad sa buong pagdiriwang sa pamamagitan ng pagdaragdag ng puwersa ng Philippine Army mula sa mga karatig-bayan at pakikipagtulungan ng PNP Malasiqui.

Magkakaroon din ng traffic rerouting lalo na sa Enero 22 dahil inaasahang magiging mabigat ang daloy ng trapiko at isasara ang ilang bahagi ng poblacion area, alinsunod sa traffic advisory ng pulisya.

Bilang bahagi ng selebrasyon, naglabas din ng executive order ang lokal na pamahalaan na nagdedeklara ng walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Enero 23.

Tiniyak ng mga opisyal na tuloy-tuloy nang gaganapin ang Pagey Festival taon-taon bilang bagong tatak ng bayan ng Malasiqui.