Dagupan City – Puspusan ang paghahanda ng Tourism Office ng Lungsod ng Alaminos kaugnay ng nalalapit na paglulunsad ng online booking system para sa mga turistang bibisita sa Hundred Islands National Park.
Ang online booking system ay inaasahang magsisilbing pangunahing plataporma ng mga bisita sa pagkuha ng schedule at iba pang kinakailangang detalye bago ang kanilang pagbisita.
Dahil dito, pinaghahandaan ng lungsod ang posibleng pagdami ng mga mag-aaccess ng sistema kapag ito ay tuluyan nang inilunsad.
Kasabay ng teknikal na paghahanda, nagsasagawa rin ng mga pagsasanay ang Tourism Office upang matiyak na handa ang mga tauhan sa pagproseso ng mga transaksyong kaugnay ng online booking.
Layunin nitong maging maayos ang koordinasyon sa pagitan ng sistema at ng aktwal na operasyon sa lugar.
Ayon sa City Tourism Officer ng Alaminos City na si Mike Sison, nagsimula na ang preliminary training ng mga kawani ng kanilang tanggapan at inaasahang masusundan pa ito ng mga karagdagang pagsasanay upang matiyak na nakakaangkop ang mga tauhan sa mga pagbabagong dulot ng digital na sistema.
Patuloy namang mino-monitor ng lokal na pamahalaan ang mga paghahanda bago ang opisyal na paglulunsad ng online booking system upang matiyak na magiging maayos ang implementasyon nito para sa mga lokal at dayuhang turista na bibisita sa Hundred Islands.










