Dagupan City – Mas pinaigting ngayon ng National Intelligence and Coordinating Agency (NICA) ang kanilang pagbabantay at mga programa na nakatuon sa sektor ng kabataan at mga mag-aaral kaugnay ng umano’y patuloy na recruitment ng mga urban terrorist.

Ayon kay Regional Director Plormelinda Olet, tuloy-tuloy ang isinasagawang mga aktibidad at programa ng ahensiya upang mapanatili at mapalawak ang kaalaman ng publiko sa pamamagitan ng information dissemination at awareness campaigns.

Aniya, partikular na tinututukan ng NICA ang mga vulnerable sector, lalo na ang kabataan, na mas madaling maimpluwensiyahan at marekrut ng mga grupong may layuning maghasik ng kaguluhan.

--Ads--

Dagdag pa ni Olet, layunin ng kanilang mga hakbang na mapalakas ang demokrasya at ang mga integration activities sa komunidad upang maiwasan ang pagkaligaw ng landas ng mga kabataan.

Kasabay nito, patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng NICA sa mga local government units (LGUs) upang mas mapalawak ang proteksyon at gabay sa mga kabataan at maiwasan silang mapasubo sa mga ilegal at mapanganib na gawain.