Binabalangkas na ng Sangguniang Panlungsod ang isang panukalang ordinansa na naglalayong magpatupad ng total ban sa paggawa at maghigpit sa paggamit ng firecrackers at pyrotechnics sa lungsod ng Dagupan.

Sa kanilang regular session, tinalakay ni Councilor Jose Netu “Joey” Tamayo, Chairman ng Committee on Laws and Ordinance ng Dagupan City, tinalakay nito ang nasabing panukala na aniya ay bahagi ng mga hakbang upang mapalakas ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga insidente ng sunog at aksidente lalo na tuwing may mga pagdiriwang.

Nakasaad sa panukala na pagbabawalan na ang paggawa ng anumang klase ng fireworks at pag aaralan kung pagbabawalan na rin ang pagbebenta nito sa Dagupan.

--Ads--

Inihalimbawa niya sa China na mahigpit ang regulasyon sa paggamit at paggawa ng paputok at fireworks.

Maraming lungsod sa China, gaya ng Beijing at Shanghai, ay nagpatupad ng total ban o mahigpit na restriksyon sa fireworks para maiwasan ang sunog, aksidente, at polusyon sa hangin, lalo na tuwing Chinese New Year.

Sinabi ni Tamayo na hindi nagbibigay ng lisensya ang Dagupan kaya marami ang nadeskubre na mga tagong pagawaan ng paputok na nagresulta ngpagsabog ng iba noong buwan ng Disyembre.

Ayon kay Councilor Tamayo, layunin ng ordinansa na higit pang mapalakas ang kaligtasan ng mamamayan, lalo na tuwing panahon ng selebrasyon, at maiwasan ang mga insidenteng may kinalaman sa sunog at pinsala dulot ng paputok.

Binanggit din niya na ang panukala ay tugon sa mga ulat ng aksidente at panganib na dulot ng ilegal na paggawa at pagbebenta ng firecrackers.

Dagdag pa ng konsehal, mahalaga ang kooperasyon ng iba’t ibang ahensya ng lokal na pamahalaan, kabilang ang Bureau of Fire Protection at kapulisan, upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng ordinansa sakaling ito ay tuluyang maipasa.

Ang naturang panukala ay patuloy pang tatalakayin sa mga susunod na sesyon ng konseho bago ito pormal na pagtibayin.

Samantala, tinalakay din ni Tamayo ang patungkol sa CCTV ordinance kung saan kanyang ipinanukala na bago magtayo ng bahay ay maglagay ng CCTV lalo na sa mga negosyo .Layunin nito na maiwasan ang krimen.