Dagupan City – Nabigyan ng oportunidad ang mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program sa paglulunsad ng kauna-unahang CARP Tindahan ng Department of Trade and Industry sa buong bansa sa Brgy. Bantog, Asingan, Pangasinan sa Rehiyon I.
Nagsisilbi ang CARP Tindahan bilang pormal na pamilihan para sa mga produkto ng agrarian reform beneficiaries, maliliit na magsasaka, at mga kooperatiba sa lalawigan, na naglalayong palawakin ang kanilang merkado at mapalakas ang kita ng sektor ng agrikultura.
Kabilang sa mga benepisyaryong nagbebenta ng produkto sa CARP Tindahan si Red Aldrich Arzadon Diosay, Mulberry Wine Manufacturer, 902 Redhills Integrated Farm na matatagpuan sa Umingan.
Ang naturang produkto ay nagsimula bilang pamigay sa mga tumulong sa kanilang sakahan at kalauna’y naibenta online bago tuluyang mailahok sa CARP Tindahan.
Nabuo ang mulberry wine mula sa mga punla ng mulberry na unang itinanim bilang alternatibo sa planong cacao farm noong panahon ng pandemya.
Sa tulong ng kaalaman mula sa mga kaibigan sa ibang bansa at suporta ng komunidad, napaunlad ang produkto na ngayon ay isa sa mga tampok na lokal na alak sa tindahan.
Nakikinabang din ang Bantog Samahang Nayon Multipurpose Cooperative sa pagbubukas ng CARP Tindahan.
Ayon kay Zen Nambatac isa sa mga miyembro ng kooperatiba, nagsilbi ang tindahan bilang bukas na merkado hindi lamang para sa kanilang kooperatiba kundi pati sa iba pang maliliit na producer sa karatig-lugar.
Ibinebenta ng kooperatiba ang iba’t ibang produktong mula sa carabao tulad ng gatas at flavored milk, carabeef, longganisa, tapa, bulalo, pastil, at mga lokal na kakanin gaya ng espasol, pulburon, at maja.
Kabilang din sa kanilang natatanging produkto ang carabeef pastil at Coco Cara, na itinuturing na kauna-unahan sa uri nito.
Inaasahang magbibigay ang CARP Tindahan ng mas matatag na kabuhayan at mas malawak na oportunidad sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo, habang hinihikayat ang publiko na tangkilikin ang mga produktong lokal na gawa ng mga magsasaka at kooperatiba sa Pangasinan at sa buong Rehiyon I.









