Patuloy na iniimbestigahan ang nanagyaring malaking sunog sa Sitio Boquig, Barangay Macayug sa bayan San Jacinto, na nagdulot ng takot sa mga residente.
Ayon kay Federico Tubera, isang residente na malapit sa poultry farm, na natatakot siya na baka may tumalsik na baga na maging dahilan ng pagkasunog din ng kanilang bahay.
Sinabi ni Tubera na nangyari ang sunog bandang 7:30 kagabi.
Akala nila ay nagsusunog lamang ng basura ang poultry, ngunit patuloy na itong nagliyab hanggang lumakas na kaya’t tumawag na sila ng tulong.
Aniya na mahigit 8 bumbero mula sa San Jacinto at kalapit na lugar ang rumesponde upang maapula ang apoy.
Mabuti na lamang aniya na hindi na masyadong lumakas pa ang apoy at naagapan agad ng mga rumesponding bombero.
Sa kabilang banda, ibinahagi ni Lyle Caoile, isang empleyado sa katabing bodega ng poultry, na naalarma sila sa lakas ng sunog dahil baka madamay ang kanilang bodega at mga produkto na tabacco kaya agad silang humingi ng tulong sa barangay para makatawag sa bombero.
Ayon kay Caoile, nasa 4 o 5 building ng manukan ang maaring nasunog, ngunit hindi pa ito kumpirmado.
Mabuti na lamang aniya at walang laman na manok ang mga nasunog na building dahil kakatapos lamang mag-harvest noong nakaraang buwan.
Dagdag pa niya, na naalarma ito dahil may malapit na imbakan ng diesel sa nasusunog na poultry, kaya’t nag-alala sila na baka kumalat ang apoy sa kanilang bodega kapag naabot ito.
Ito aniya ang kauna-unahang sunog na nangyari malapit sa kanilang lugar, kaya’t patuloy silang nakaalerto at handa sa mga ganitong sitwasyon sa kanilang pinagtatrabahuhan upang hindi sila magkaroon ng kahalintulad na problema.










