Nasawi ang isang 31-anyos na motorista matapos maaksidente sa Barangay Road sa Barangay Cabatuan sa bayan ng Umingan.
Ayon kay Pmaj. Jimmy Paningbatan, Chief of Police ng Umingan Municipal Police Station na binabagtas ng biktima ang Barangay Road nang biglang may lumabas na motorsiklo mula sa kabilang direksyon at kinuha ang kanyang linya.
Dahil sa mabilis na takbo, hindi na nakapagpreno ang biktima at nabangga ang likod ng motorsiklo kung saan tumalsik din siya sa isang tricycle na nakaparada sa gilid ng kalsada.
Isinugod ang biktima sa Umingan Community Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival.
Saad naman ng opisyal na ito na ang pangatlong aksidente na naganap sa kanilang nasasakupan ngayong buwan, at pangatlo na ring nasawi kung saan lahat ng mga nasangkot sa aksidente ay mga nakamotorsiklo at hindi nakasuot ng helmet.
Dahil dito, pinapalakas ng Umingan PNP ang information dissemination tungkol sa pagsusuot ng helmet sa social media at sa kanilang mga checkpoint.
Marami na silang natiticketan dahil sa paglabag na ito, ngunit mayroon pa ring matitigas ang ulo.
Paalala ni Paningbatan sa mga motorista sa Umingan, siguraduhing hindi lasing kung magmamaneho at magsuot ng helmet upang maiwasan ang aksidente.
Samantala, nakalaya naman na ang drayber ng isang motorista na sangkot sa aksidente dahil nakipag-usap na ito sa pamilya ng biktima kung saan babalik sila sa Enero 23 upang pag-usapan ang tulong pinansyal sa pagpapalibing
Hindi na rin maghahain ng reklamo ang pamilya ng biktima laban sa drayber.










