Dagupan City – Ngayong araw, opisyal na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, katuwang ang Department of Agriculture (DA), ang programang “Benting Bigas, Meron Na”, isang pambansang proyekto na naglalayong magbigay ng murang bigas sa halagang P20/kilo.
Layunin ng programa na suportahan ang food security, at magbigay ng relief sa mga pamilyang mababa ang kita. Ang paglulunsad ay isinabay sa regular na Kadiwa ed Kapitolyo, bilang bahagi ng lokal na programa sa pagtulong sa mamamayan.
Sa aktibidad, abala ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan sa paghahanda ng venue at logistics upang masiguro ang maayos na daloy ng programa.
Isa sa mga maagang dumating at nakapanayam na benepisyaryo ay si Jose Dela Cruz, Presidente ng brgy. Balangobong Farmers Fisherfolk Folk sa bayan ng Lingayen.
Ayon kay Dela Cruz, malaking tulong ang programa lalo na sa mga magsasaka na hindi sapat ang ani sa kasalukuyang panahon.
Aniya, ang pagkakaroon ng murang bigas ay hindi lamang makakatulong sa pang-araw-araw na gastusin ng kanyang pamilya, kundi makakatulong rin sa consumers na kanyang kinabibilangan.
Isa siya sa unang nagparehistro at tiniyak niyang bibili ng bigas mula sa programa.
Gayunpaman, hindi lahat ng magsasaka ay pabor sa programa.
May ilang magsasaka na nagpahayag ng pag-aalala sa posibleng epekto sa kanilang kita, dahil sa murang presyo ng bigas na maaaring makaapekto sa presyo sa merkado.










