Isang maling naratibo na ginagawang badge of honor ang pagmumulti-task sa trabaho.
Yan ang binigyang diin ni Prof. Danilo Arao – Professor of Journalism, UP Diliman kasunod ng biglaang pagpanaw ng isang photojournalist kamakailan, na nagbunsod sa paglulunsad ng “Movement for Media Safety” ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Ayon kay Arao, lubhang nakalulungkot ang insidente sapagkat malinaw nitong ipinapakita ang panganib na kaakibat ng propesyon ng pamamahayag.
Aniya, madalas napipilitang magtrabaho ang mga mamamahayag kahit may karamdaman dahil sa mga kondisyon sa trabaho.
Binigyang-diin ng propesor ang pangangailangang masusing busisiin at ayusin ang kalakaran sa industriya ng media, simula sa pagtiyak na natatanggap ng mga mamamahayag ang karampatang benepisyo.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng health insurance at sapat na sahod, na aniya’y madalas naaapektuhan ng contractualization.
Tinalakay rin niya ang isyu ng understaffing, na nagdudulot ng labis na trabaho sa mga mamamahayag.
Tinuligsa niya ang maling naratibo na ginagawang “badge of honor” ang pagiging multitasker, kung saan iisang tao ang gumaganap bilang reporter, kumukuha ng field notes, video, at larawan.
Saad niya kung ganito ang setup, dapat malaki rin ang sahod dahil sa ideal na sitwasyon, hiwalay ang mga trabahong ito at hindi pinagsasama.
Sa kaso ng pumanaw na photojournalist, sinabi ni Arao na wala naman umanong malinaw na isyu ng multitasking, subalit kung nagkaroon sana ito ng relief o pahinga noong araw na iyon—lalo na’t may karamdaman na maaaring naiwasan ang trahedya.
Dagdag pa niya, dapat magsilbing pagkakataon ang insidenteng ito upang pagnilayan ang buong media system, lalo na’t hindi madaling trabaho ang pamamahayag.
Aniya, bagama’t mukhang maayos at propesyonal sa harap ng kamera, marami ring sakripisyo at panganib ang hinaharap ng mga manggagawa sa likod nito.






