Isang tao ang nasawi at mahigit 300 kabahayan at gusali ang nawasak matapos lamunin ng malalaking bushfire ang ilang bahagi ng timog-silangang Australia.

Sa loob ng ilang araw, patuloy na nagngangalit ang mga sunog sa dose-dosenang lugar sa buong bansa, partikular sa estado ng Victoria at maging sa New South Wales.

Tinatayang halos doble ng laki ng Greater London ang lawak ng lupang natupok ng apoy.

--Ads--

Dahil sa tindi ng sitwasyon, idineklara ng pamahalaan ng Victoria ang state of emergency.

Libu-libong bumbero, katuwang ang mahigit 70 sasakyang panghimpapawid, ang patuloy na nakikipaglaban upang mapigil ang pagkalat ng apoy.

Samantala, pinayuhan ang mga residente sa mahigit isang dosenang komunidad na lumikas at iwan ang kanilang mga tahanan para sa kanilang kaligtasan.

Nagbabala din ang mga awtoridad na maaaring tumagal pa ng ilang linggo ang mga sunog, lalo na’t pinapalakas ang mga ito ng matinding init, tuyong panahon, at malalakas na hangin.