Dagupan City – Mas paiigtingin pa ng Waste Management Division (WMD) ng Dagupan City ang kampanya sa segregation ng basura ngayong 2026.
Ayon kay Division Head Bernard Cabison na sa pamamagitan ng kooperasyon ng mga residente sa lungsod ay maisasakatuparan ang kanilang layunin para sa pagsasaayos ng basura.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tamang pagtatapon at pagbubukod-bukod ng basura para sa mas mabilis na pangongolekta ng kanyang mga kasamahan.
Aniya, kapag nakasegregate ang basura, mas maliit at magaan ito, na nakakatulong para makatipid sa gastos sa pagtransport.
Inihayag din ni Cabison na inaasahan nilang darating sa mga susunod na araw ang 6 na bagong truck na eksklusibong gagamitin sa pangongolekta ng mga basurang nakasegregate.
Saad niya na inaasahan nilang masisimulan ang paggamit ng mga bagong truck sa ikalawang linggo ng kasalukuyang taon.
Kaugnay nito, mayroon aniya silang 5 lumang truck, 7 malalaking 10-wheeler truck, 2 backhoe, at 1 payloader na ginagamit sa kanilang operasyon.
Samantala, sa pamamagitan ng mas pinaigting na kampanya sa segregation at karagdagang kagamitan, umaasa ang WMD na patuloy na mababawasan ang volume ng basura na napupunta sa dumpsite at mapapangalagaan ang kalikasan.










