Dagupan City – Iniulat ng Philippine Navy na mas pinaigting ng mga puwersang pandagat ng China ang kanilang tinaguriang “front line coercive actions” sa South China Sea noong 2025—isang ulat na mariing itinanggi ng Chinese Embassy sa Maynila.

Ayon kay Fernando Hicap, chairperson ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA, sinasadya umano ng mga puwersa ng China ang pagtanggal o pagsira sa mga payaw ng mga mangingisdang Pilipino upang mapigilan ang mga ito na manatili at mangisda sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Hicap na hindi na bago ang ginagawang pagtanggi ng China sa karapatan ng Pilipinas sa EEZ nito, gayundin ang patuloy na panghaharass sa mga Pilipinong mangingisda.

--Ads--

Aniya, ginagawa ito ng China upang iayon ang sitwasyon sa kanilang sariling naratibo, kahit taliwas ito sa realidad at sa umiiral na batas internasyonal.

Sa kabila nito, ibinahagi ni Hicap na patuloy pa ring nangingisda ang mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea kahit may presensya ng China at nakararanas ng pang-aabuso.

Aniya, ginagawa nila ito alang-alang sa kanilang kabuhayan at sa ikabubuhay ng kanilang mga pamilya.

Nanawagan ang PAMALAKAYA sa pamahalaan na tiyakin ang pagiging sustainable ng produksyon at suporta sa sektor ng pangingisda.

Giit pa niya, sa pananaw ng kanilang samahan, hindi nagiging epektibo ang kasalukuyang hakbang ng pamahalaan sa pagprotekta sa mga pinag-aagawang karagatan, lalo’t nagpapatuloy pa rin umano ang pang-aabuso ng China.