Pinuri ni San Carlos City Mayor Julier “Ayoy” Resuello ang kapulisan sa matagumpay na pag-aresto sa umano’y big-time scammer na si Joshua Rosario Layacan, may-ari ng JRL Kwarta Trading Company.

Noong Enero 6, matagumpay na naisilbi ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ng Malasiqui Police Station ang electronic warrant of arrest laban sa suspek.

Ayon kay Mayor Resuello, maraming nagalak sa pagkakahuli kay Layacan, lalo na ang mga complainant, dahil nabawasan na ang kanilang pangamba na baka bigla itong tumakas o magtungo sa ibang bansa.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nakakulong na ang suspek at inaasahang mahaharap sa kasong syndicated large-scale estafa na walang kaakibat na piyansa.

Umaasa naman ang mga biktima na maibabalik pa sa kanila ang perang kanilang ipinuhunan sa nasabing kompanya.

Sinabi rin ni Mayor Resuello na marami ang nagtungo sa kanyang opisina upang humingi ng tulong, kaya’t kanyang ipinayo sa mga ito na magsampa ng kaukulang kaso.

Dagdag pa niya, nais din niyang mabigyan ng hustisya ang mga biktimang nag-invest at marapat lamang na panagutan ng suspek ang kanyang mga ginawa.

Sa kasalukuyan, si Layacan ay nasa kustodiya ng Malasiqui Police Station habang isinasagawa ang mga kinakailangang dokumentasyon at karagdagang proseso kaugnay ng kanyang mga kinakaharap na kaso.