Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Alaminos City ang paglulunsad ng isang online booking system para sa mga turistang bibisita sa mga pasyalan ng lungsod, partikular na sa Hundred Islands National Park.
Target na isagawa ang soft launching ng sistema sa pagitan ng Enero hanggang Pebrero ngayong taon.
Ayon kay Mike Sison, Tourism Officer ng Alaminos City, ang proyekto ay pinangungunahan ng lokal na pamahalaan ng Alaminos City sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology at ng Pangasinan State University Urdaneta.
Layunin nitong gawing mas madali at mas episyente ang pag-access ng mga turista sa mga serbisyo ng Hundred Islands, lalo na para sa mga bisitang nagmumula sa malalayong lugar at maging sa ibang bansa.
Bahagi ng proyekto ang pagbuo ng isang mobile at online application na magsisilbing centralized platform para sa reservation, impormasyon, at iba pang kinakailangang detalye bago ang pagbisita.
Inaasahan naman ng lokal na pamahalaan na ganap na magiging operational ang online booking system bago magsimula ang peak season ng tag-init, kung kailan inaasahang muling dadagsa ang mga turista sa lungsod.
Patuloy ang koordinasyon ng mga ahensya upang matiyak na maayos, ligtas, at handa ang sistema sa oras ng opisyal na pagpapatupad.










