Nagkasundo ang lokal na pamahalaan ng Mangaldan sa lalawigan ng Pangasinan na paigtingin ang mga hakbang sa kaligtasan sa Angalacan River at sa mga kalsadang sakop nito, kasunod ng isang insidente ng pagkalunod na kinasangkutan ng mga kabataan.
Sa executive-legislative meeting noong unang Lunes ng Enero, tinalakay ang pangangailangang maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap sa pamamagitan ng mas organisado at tuloy-tuloy na pagbabantay sa lugar.
Ipinunto ng mga opisyal na bagama’t pamilyar ang maraming residente sa panganib ng ilog dahil sa pabago-bagong lalim at agos ng tubig, hindi ito dapat maging dahilan upang maging kampante ang pamahalaan.
Iminungkahi ang pagkakaroon ng takdang oras ng pagbabantay, mas maayos na deployment ng mga responder, at paggamit ng angkop na uniporme at rescue equipment upang mas maging episyente ang pagtugon sa emerhensiya.
Kasama rin sa tinalakay ang kaligtasan sa Angalacan Eco-tourism Road.
Inirekomenda ang pagpapatupad ng speed limit upang maprotektahan ang mga bisita at ang kalikasan sa lugar.
Iminungkahi rin ang pagpapalakas ng umiiral na ordinansa sa pagligo at iba pang aktibidad sa ilog upang masigurong nasusunod ito at natutugunan ang kakulangan sa pagpapatupad.
Natalakay din ang mas mahigpit na pagbabantay sa quarrying, kampanya laban sa maiingay at ilegal na tambutso ng motorsiklo, at ang pantay na koleksiyon ng garbage fees sa mga barangay.
Napagkasunduan na palawakin ang saklaw ng koleksiyon ng basura at tiyakin ang tuloy-tuloy na serbisyong pampubliko bilang bahagi ng pangkalahatang layunin na mapabuti ang kaligtasan, kaayusan, at kapaligiran sa bayan.










