Binigyang-diin ni Atty. Arnedo S. Valera, Co-Executive Director at Founder ng Global Migrant Heritage Foundation, ang kahalagahan ng matatag na paninindigan ng pamahalaan ng Pilipinas sa sariling Saligang Batas at sa pagpapatupad ng isang tunay na independent foreign policy, anuman ang umiiral na administrasyon, alyansa, o panlabas na pressure.

Ayon kay Valera, bilang isang bansang dumaan sa mahabang yugto ng kolonyalismo at dayuhang pamamahala, may obligasyon ang Pilipinas na ipagtanggol ang soberanya nito at tiyaking hindi ito natatapakan o nababawi ng alinmang makapangyarihang bansa.

Bagama’t may mga pagkakataong mabuti ang intensiyon ng mga panlabas na puwersa, binigyang-babala niya na kadalasan itong nauuwi sa pangmatagalang dominasyon at pagkawala ng tunay na kalayaan.

--Ads--

Ginamit din ni Valera ang sitwasyon sa Venezuela bilang halimbawa, kung saan iginiit niya na malinaw sa pananaw ng batas internasyonal na ang mamamayang Venezuelan lamang ang may karapatang mamahala sa kanilang bansa.

Bagama’t kinilala niya na may mga seryoso at mabibigat na paratang laban sa kasalukuyang liderato ng Venezuela, partikular kay Pangulong Nicolás Maduro, iginiit niyang hindi nito inaalis ang pananagutan ng sinumang sangkot sa mga alegasyon.

Gayunman, binigyang-diin ni Valera ang kahalagahan ng malinaw na paghihiwalay sa usapin ng pananagutan at sa anumang anyo ng dayuhang interbensiyon na naglalayong manghimasok sa pamahalaan ng isang bansa o kontrolin ang mga yaman nito.

Sa huli, iginiit niya na ang Pilipinas, bilang isang malayang estado, ay dapat manatiling matatag sa pagprotekta ng pambansang soberanya at sa pagsusulong ng isang panlabas na patakarang nakabatay sa pambansang interes, respeto sa batas, at pagkakapantay-pantay ng mga bansa.