Pansamantalang hindi muna nakakapalaot ang mga mangingisda sa Dagupan City dahil sa lakas ng alon na dulot ng hanging amihan.

Ayon kay Marcos Abayan, presidente ng Samahan ng mga maliliit na mangingisda ng Dagupan City- BJMP CHAPTER na kahapon lamang umano nagsimula ang malalaking alon dahil sa nararanasang weather system

Saad niya na may nakalabas pa umanong isang mangingisda kahapon, ngunit agad din itong umuwi dahil sa maalon na dagat.

--Ads--

Aniya na inaasahan nilang tatagal pa ng tatlong araw ang malakas na alon.

Pagbabahagi naman nito na kapag ganitong maalon, wala umanong masyadong nahuhuli ang mga mangingisda dahil malakas ang current sa laot.

Kaya naman, abala sila ngayon sa pagme-maintenance o pagkukumpuni ng kanilang mga lambat at bangka.

Ikinuwento rin ni Abayan ang pinsalang idinulot ng nagdaang bagyo, kung saan maraming bangka ang nawasak o nasira.

Nakatanggap naman sila ng tulong na pandagdag sa gastusin sa mga bangka.

Umaasa rin sila na dadami ang huli at mawawala ang mga ilegal na gawain sa pangingisda ngayong 2026.

Samantala, nagpaalala naman ang PAGASA DAGUPAN CITY sa mga mangingisda na asahan ang malalakas na alon tuwing panahon ng amihan.

Aniya na kung magbigay na ang PAGASA ng gale warning, huwag na munang magpalaot upang makaiwas sa aksidente.

Sa kabilang banda, magtatagal pa ang malamig na panahon hanggang sa buwan ng Pebrero kaya pinapayuhan ang lahat na maging maingat sa kanilang kalusugan upang maiwasan ang mga sakit na dulot nito.