Dagupan City – Nananatili pa rin ang suporta kay US President Donald Trump sa kabila ng kontrobersyal na hakbang ng Estados Unidos na pag-aresto kina Venezuelan President Nicolas Maduro at sa kanyang First Lady.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Des Baker, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos, ilang miyembro ng US House of Representatives ang mariing kumondena sa ginawang pagdakip, dahil umano’y naniniwala silang hindi ito dumaan sa pahintulot ng Kongreso at maaari pang maituring na isang “act of war.”

Dahil sa pangyayari pansamantalang pinamumunuan ng kasalukuyang bise presidente ng Venezuela na si Delcy Rodriguez ang bansa sa loob ng 90 araw.

--Ads--

Nauna nang binigyang diin ni Baker na hindi sinusuportahan ng Estados Unidos ang Venezuela o si President Maduro.

At binigyang-diin din niya ang konteksto ng nakaraan, kung saan noong dekada ’90 ay may malalaking reserba ng thick crude oil ang Venezuela, gayundin ang Amerika.

Kalaunan, mas tumaas umano ang pakinabang ng Estados Unidos kumpara sa Venezuela sa usapin ng langis.

Gayunpaman, iginiit ni Baker na hindi isinasantabi ang iba pang posibleng dahilan sa likod ng isyu, lalo’t hindi pa tapos ang kaso at patuloy pa ang mga pagdinig.