Dagupan City – Nagbigay-daan sa isang mas payapang Rehiyon 1 ang kusang pagsuko ng 12 dating miyembro ng mga grupong sumusuporta sa insurhensiya sa Police Regional Office 1 (PRO1) noong Disyembre 2025.

Kinilala ng PRO1 ang isa sa mga sumuko bilang aktibong kasapi ng Communist Front Organization (CFO), habang ang labing-isa naman ay nagmula sa Underground Mass Organization (UGMO).

Ayon PRO1, bunga ng desisyon ng mga dating rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng pinaigting na intelligence-driven policing, masiglang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad, at maayos na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan.

--Ads--

Malaki ang naging papel na ginampanan ng mga programa ng PRO1 tulad ng dayalogo, information campaigns, at confidence-building activities, na naglayong kumbinsihin ang mga dating rebelde na talikuran ang karahasan at tahakin ang mapayapang landas.

Tiniyak din naman ng opisina na tutulungan nila ang mga dating rebelde sa kanilang reintegrasyon sa komunidad, sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa maayos at mapayapang pagpapatupad ng kaayusan sa buong rehiyon.