Naka-full alert ngayon ang kapulisan at mga sundalo sa Trinidad and Tobago matapos ang mga pag-atake at pagsabog sa Caracas, Venezuela, at ang pag-aresto kay Pangulong Nicolás Maduro.

Ayon kay Alan Tulalian, Bombo International News Correspondent sa Trinidad and Tobago, inilagay sa mataas na antas ng alerto ang seguridad ng bansa dahil pitong milya lamang ang layo nito mula sa Venezuela.

Dagdag pa rito, sa nakalipas na tatlo hanggang apat na taon, tinatayang mahigit walong milyong Venezuelan na ang lumikas mula sa kanilang bansa bunsod ng matinding economic crisis.

--Ads--

Karamihan sa mga ito ay nagtungo sa Colombia at Estados Unidos, habang malaking bilang naman ang tumuloy sa Trinidad and Tobago, kung saan tinatayang nasa 100,000 hanggang 200,000 Venezuelans ang kasalukuyang naninirahan.

Bago pa man ang pag-atake, noong Setyembre ng nakaraang taon, nagpadala na si US Pres. Donald Trump ng mga aircraft carriers at warships, bilang patunay na pinaghahandaan na ng Amerika ang posibleng pagpapatalsik kay Maduro.