Dagupan City – Patuloy na pinaigting ng Philippine National Police (PNP) Binmaley ang kanilang police visibility at mga hakbang sa seguridad bilang bahagi ng Oplan Sita, upang matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng mga residente, bisita, at mga umuuwing kamag-anak mula sa iba’t ibang lugar.
Ayon kay PLtCol. Lister A. Saygo, Officer-in-Charge ng PNP Binmaley, tuloy-tuloy ang isinasagawang police checkpoints at iba pang law enforcement operations sa iba’t ibang bahagi ng bayan.
Layunin ng mga ito na mapanatili ang kaayusan, maiwasan ang anumang banta sa seguridad, at masiguro ang kapayapaan sa komunidad, lalo na sa mga panahong inaasahang dumarami ang tao at sasakyan.
Bukod sa seguridad, binibigyang-pansin din ng PNP Binmaley ang problema sa trapiko na itinuturing na isa sa mga pangunahing hamon sa bayan.
Dahil dito, nakatuon ang mga aktibidad ng pulisya sa pagbibigay ng paalala sa mga motorista, maayos na pamamahala ng daloy ng trapiko, at agarang pagtugon sa mga sitwasyong maaaring magdulot ng pagsikip ng kalsada.
Sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon ng pulisya at masusing koordinasyon sa mamamayan, inaasahang mapapanatili ang kaayusan, kaligtasan, at maayos na daloy ng mga aktibidad sa bayan ng Binmaley, lalo na sa panahon ng pagdagsa ng mga bisita at sasakyan.










