Dagupan City – Nasawi ang isang lalaki habang inoobserbahan pa sa pagamutan ang isa pa matapos ang naganap na aksidente sa Barangay Magallanes sa bayan ng Tayug.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, kapwa binabagtas ng dalawang motorsiklo ang kahabaan ng kalsada nang maganap ang insidente.
Habang paliko ang unang motorsiklo, aksidente itong nabangga ng sumusunod na motorsiklo.
Dahil sa impact, kapwa tumilapon ang dalawang driver at nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan kung saan agad silang dinala sa pagamutan pero idineklarang dead on arrival ang driver ng ikalawang motorsiklo habang patuloy namang inoobserbahan ang isa pang driver.
Patuloy ang imbestigasyon ng Tayug PNP upang matukoy ang mga pangyayari na humantong sa trahedya.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na maging maingat sa pagmamaneho, lalo na sa madaling araw, at sundin ang mga batas trapiko upang maiwasan ang mga ganitong insidente.










