Dagupan City – Bumaba ang kabuuang bilang ng mga krimen sa bayan ng Calasiao mula 2024 hanggang 2025 sa kabila ng ilang kategoryang nakitaan ng bahagyang pagtaas, batay sa inilabas na paghahambing ng crime statistics ng Calasiao Police Station.

Ayon kay PLt. Col. Fedinand Lopez, hepe ng Calasiao PNP, malaking pagbabago ang naitala sa focus crimes kung saan mula sa 25 insidente noong 2024 ay bumaba ito sa 14 insidente noong 2025, o halos 50 porsiyentong pagbaba.

Sa detalye ng datos, noong 2024 ay naitala ang 3 kaso ng murder, 1 homicide, 5 physical injury, 9 na rape, 1 robbery, 5 theft at 25 kaso ng motornapping. Pagsapit ng 2025, bumaba ang murder sa 1, tuluyang nawala ang homicide at wala ring naitalang physical injury. Ang mga kaso ng rape ay bumaba sa 2, habang ang robbery ay nasa 2 ring insidente.

--Ads--

Gayunman, may ilang krimen na nakitaan ng pagtaas. Ang theft ay umakyat sa 7 kaso o tumaas ng 2 kumpara noong nakaraang taon, habang ang carnapping ay nadagdagan ng 1 insidente. Sa kabila nito, iginiit ng pulisya na nananatiling kontrolado ang peace and order situation sa bayan.

Ayon kay Lopez, maliban sa tuloy-tuloy na operasyon ng kapulisan, ipinatupad din ang iba’t ibang intervention strategies kabilang ang crime prevention campaigns sa social media.

Dagdag pa niya, wala ni isang menor de edad ang sangkot o nadawit sa alinmang naitalang krimen sa nasabing panahon.

Malaki rin ang naging papel ng pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, mga opisyal ng barangay at mismong mga mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa komunidad.

Patuloy namang hinihikayat ng pulisya ang publiko na makiisa at maging mapagmatyag, at agad mag-ulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad upang lalo pang mapababa ang antas ng kriminalidad sa Calasiao.