Dagupan City – Inihayag Waste Management Division (WMD) ng Dagupan City ang mabilisang paglilinis sa siyudad matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sa isang panayam, sinabi ni Bernard Cabison ang Head ng WMD na umabot sila ng 34 na trucks na nakuhang basura sa kakatapos na pagdiriwang sa buonh lungsod.
Kabilang sa mga binigyang-diin ang paglilinis sa downtown area at mga barangay, lalo na sa Central Business District (CBD), kung saan nagdulot pa ito ng matinding trapiko habang kinokolekta ang basura.
Nagsimula ang paglilinis ng kanilang grupo ng alas-2 ng madaling araw at natapos ng alas-6:20 ng umaga upang matiyak na malinis na ang mga kalsada bago pa man sumikat ang araw.
Ayon pa kay Cabison, ang pansamantalang pagsasara ng tapunan sa Urdaneta ang isa sa mga dahilan kung bakit naipon ang basura sa lungsod.
Gayunpaman, tiniyak niya na magre-resume na ang operasyon ngayong gabi at babalik sa normal ang operasyon bukas ng umaga upang mahakot na ang lahat ng basura sa lungsod.
Sa usapin ng dami ng basura, sinabi ni Cabison na halos katulad lang ito ng nakaraang taon.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang pagbili ng siyudad ng 7 malalaking dump trucks at ang paggamit ng heavy equipment tulad ng loader para mapadali ang kanilang trabaho.
Napansin din ni Cabison na mas kaunti ang nagpaputok ngayong taon, kung saan marami ang gumamit ng busina at mga motor na malakas ang tambutso para magpaingay.
Batay sa report ng pulisya, wala silang naitalang casualties o naputukan dahil sa mahigpit na pagbabawal ni Mayor sa pagpapaputok.
Binanggit din ni Cabison na hindi na gaanong karami ang basura ng mga paputok sa lungsod kumpara noong nakaraang taon. Karamihan sa mga basurang kanilang nakuha ay nagmula sa mga pamilihan at kalat ng mga tao.










