Dagupan City – Kinumpiska ng mga tauhan ng Umingan Police Station ang mga ibinebentang paputok mula sa dalawang vendor na napatunayang walang kaukulang permit sa isinagawang operasyon sa Barangay Carayungan Sur.

Ayon kay PMAJ Jimmy Paningbatan, Chief of Police ng Umingan PNP, bagaman walang narekober na mga ilegal o ipinagbabawal na uri ng paputok, naging mabilis ang kanilang aksyon laban sa mga nagbebenta nang walang pahintulot mula sa Philippine National Police (PNP) at Local Government Unit (LGU).

Ang dalawang indibidwal ay nahuli sa aktong naglalako ng kanilang mga paninda sa nasabing barangay nang walang maipakitang anumang legal na dokumento.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Paningbatan na dahil maliit na volume o halaga lamang ang nakuha mula sa mga nasabing vendor, kumpiskasyon muna ang naging hakbang ng kapulisan bilang babala.

Binigyang-diin ng opisyal na mahalagang sumunod sa mga regulasyon dahil ang pagbebenta ng paputok nang walang permit ay banta sa kaligtasan ng komunidad, lalo na’t hindi dumaan ang mga ito sa pagsusuri ng mga otoridad.

Nagsisilbi rin itong paalala para sa mga nagnanais magnegosyo ng paputok sa mga susunod na taon.

Ayon pa kay Paningbatan, kailangang dumaan ang mga prospective sellers sa tamang seminar at kumuha ng sapat na dokumentasyon bago payagang magbenta sa mga itinalagang firecracker zones upang maiwasan ang ganitong uri ng kumpiskasyon at aberya.