Dagupan City – Patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng Dagupan City Police Office (DCPO) laban sa ilegal na paputok sa lahat ng barangay sa lungsod matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay PLtCol. Ed Palaylay, Chief ng Operations Management Unit (COMU) ng DCPO, nakatuon ang kanilang operasyon sa pagsugpo sa mga mapanganib at ilegal na paputok, partikular ang mga picolo at boga na karaniwang naaabot ng kabataan.
Isinagawa na ang unang pagsira sa mga nakumpiskang ilegal na paputok noong Disyembre 27, at nakatakda ang ikalawang destruction operation sa Enero 7, 2026, alinsunod sa magiging direktiba ng city director.
Sa mga nakalipas na araw, ilang indibidwal ang nasampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Republic Act 7183 o ang batas na kumokontrol sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng paputok at iba pang pyrotechnic devices.
Nilinaw ng opisina na lahat ng paputok na ibinebenta nang walang kaukulang permit ay awtomatikong kinukumpiska, kahit pa kabilang ito sa mga pinapayagang uri ng paputok, sapagkat malinaw sa batas na walang exemption kung walang pahintulot.
Dahil sa tuloy-tuloy na deployment ng mga pulis sa mga itinalagang firecracker zones at barangay, walang naitalang seryosong insidente kaugnay ng paputok.
Tiniyak din ng DCPO na ang mga awtorisadong nagbebenta ay kumpleto sa permit at walang naispatan na ilegal na paputok sa kanilang mga puwesto.
Nagpaalala rin ang kapulisan sa mga residente, lalo na sa kabataan, na huwag pulutin ang mga paputok na hindi sumabog dahil maaari itong biglang pumutok at magdulot ng pinsala.
Mahigpit ang tagubilin ng DCPO na iwasan ang anumang paghawak sa mga ganitong bagay at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad.
Sa kasalukuyan at hanggang sa mga susunod na oras ng gabi, nananatiling fully alert ang DCPO, habang patuloy ang presensya ng mga pulis sa mga barangay at ang masusing pagbabantay laban sa anumang insidente na may kaugnayan sa paputok.










