Dagupan City – ‎Matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon, nagtungo ang maraming pamilya, magkakaibigan, at turista sa Tondaligan Beach sa Dagupan City upang ipagpatuloy ang kanilang selebrasyon.

Maagang nagsidagsaan ang mga beachgoer ngayong unang araw ng taon, dahilan upang maging abala ang lugar.

‎Ayon kay Police Captain Rommel Dulay, Station Commander ng Dagupan City Police Office Station 6, hindi pa umano ito ang inaasahang dami ng mga bibisita sa Tondaligan Beach.

Inaasahan pa ng mga awtoridad na mas dadami ang mga beachgoer sa mga susunod na oras habang nagpapatuloy ang bakasyon.

‎Upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, walong police personnel ang itinalaga at patuloy na nagroronda sa baybayin. Layunin ng kanilang presensya na magpaalala sa mga naliligo at namamasyal na mag-ingat, lalo na sa paglangoy sa dagat.

‎Posible rin umanong maabot ang maximum capacity ng Tondaligan Beach kaya’t naka-full alert ang City Disaster Risk Reduction and Management Office ng Dagupan City, katuwang ang Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection para sa tuloy-tuloy na pagbabantay at monitoring sa lugar.

‎Patuloy naman ang paalala ng pulisya sa publiko na pairalin ang disiplina at sundin ang mga alituntunin ng mga awtoridad upang maiwasan ang aksidente, partikular ang pagkalunod sa karagatan, at maging ligtas ang selebrasyon ng Bagong Taon para sa lahat.

--Ads--