DAGUPAN CITY- Masigla ang bentahan ng mga paputok sa Calasiao Firecracker Zone ngayong araw dahil bisperas na ng Bagong Taon.
Ayon kay Bernadette Aquino, Presidente ng Calasiao Firecracker Organization (CFO) nasa siyam na rehistradong tindahan na may kumpletong requirements ang nagtitinda sa lugar.
Dahil sa dagsa ng mga mamimili, positibo ang benta ngayon.
Saad niya na ang pinakamahal na paputok na inaabangan ng mga mamimili ay ang malalaking fireworks tulad ng Diamonds and Dragons na nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P2,500 habang ang pinakamura naman ay ang luces na nasa 15 pesos isang piraso.
Ibinahagi naman nito na ang pinakamabenta sa kanilang produkto ay ang kwitis na nagkakahalaga ng 12 to 15 pesos bawat isa.
Kaugnay nito, inaasahan ng nasabing organization na bababa ang presyo ng mga paputok pagsapit ng alas-11 ng gabi, depende sa dami ng customer kung saan tinatayang ibababa nila ng 30-40% upang mapaubos para hindi sila magkaroon ng stocks at hindi malugi pagsapit ng hatinggabi.
Sa kabilang banda, sa tulong ng kapulisan at BFP, walang anomalya na naobserbahan sa lugar dahil sa patuloy na pagbabantay.
Pinaalalahanan din ni Aquino ang mga mamimili na isaalang-alang ang tamang pagdadala ng mga paputok, lalo na kung sasakay sa sasakyan para hindi magkaroon ng problema.
Mahalaga ring iwasan ang pagbili ng paputok sa mga menor de edad, o dapat may kasamang guardian, dahil isa itong delikadong gawain.
Mananatili aniya sila sa kanilang pwesto hanggang alas-12 ng gabi ngunit mamayang lagpas alas dose ay tatanggalin na nila agad ang kanilang mga pwesto sa lugar dahil ito lamang ang oras na palugit sa kanila.










