Nagpaalala ang pamunuan ng pulisya at ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Santa Barbara sa publiko na pairalin ang kaligtasan at disiplina sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ayon kay Plt Col Michael Datuin, hepe ng Santa Barbara Police Station, bagama’t may Christmas at New Year’s break ang mga pulis, hindi ito nangangahulugan ng ganap na pahinga.
Ipinaliwanag niya na may tinatawag na “accounting” kung saan ang mga pulis ay inaatasang mag-ulat at maglingkod sa kani-kanilang barangay na tinitirhan, upang magsilbing karagdagang pwersa sa pagbabantay.
Binigyang-diin din niya ang mahigpit na pagbabawal sa pagpapaputok ng baril sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Aniya, mapanganib ang pagpapaputok kahit pa ito ay itinutok pataas dahil tiyak na babagsak ang bala at maaaring makapinsala ng inosenteng sibilyan.
Dagdag pa niya, may malinaw na direktiba mula sa pamunuan ng Philippine National Police na ipatupad ang no gun firing policy, at walang palalampasin kahit pulis pa ang lalabag sa patakaran habang naka-duty sa kanilang barangay.
Samantala, sinabi naman ni Eusebio dela Cruz, Head ng Emergency Response Unit ng MDRRMO, tuluy-tuloy ang kanilang 24-oras na pagbabantay tuwing Bagong Taon.
Hinikayat niya ang mga residente na mag-ingat sa paggamit ng paputok at tiyaking ang mga ito ay aprubado ng Bureau of Fire Protection at Department of Trade and Industry.
Bilang alternatibo, iminungkahi ng mga awtoridad ang pagbabalik sa mga tradisyunal at mas ligtas na paraan ng pagdiriwang ng Bagong Taon upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng bawat pamilya.










